Balabal na Itim

Kulay itim ang balabal na inihandog sa akin,

Na hinabi sa masukal, binilad sa panginorin.

Kung sa ilalim ng araw siya ay aking ilalantad,

Habang aking tinatanaw ang guhit n’ya sa ‘king palad —

Ako’y ikukubli ngunit mananatili ‘ring hubad

Habang ako’y nakapiit sa yakap ng kaniyang baklad.

At pagdating nitong gabi, ako’y kaniyang itatago’t

ikukulong nang sandali  habang ako’y malilito—

“Sa dilim ay niluluwal ang pangako ng payaso

At hindi rin magtatagal, panaginip na lang ito.”

Itim na aking tinak’wil matapos ang tatlong araw,

H’wag nang liligaw sa akin, sa ‘king tapos nang pumanaw—

Ang balabal mong magaspang at ‘di na nakapupukaw

Ay ihandog mo na lamang sa baliw at magnanakaw.

October 27, 2009

-work in progress -

Saturday, October 31, 2009

Ako ay nasa iyo, at ikaw ay nasa sa akin.  Nasumpungan ko ang aking sariling dinidibdib ang kariktan na ipinagkatiwala ng kalangitan sa iyo nang ikaw ay isinilang.  Subalit, ito’y magpakailanpamang iyong-iyo, samakatuwid, hindi na maaari pang ariin, bilhin, o ireserba sa pangalawang nagnanais magmay-ari.

Ipinagtapat ko ang aking paninibugho sa panulat at papel.  Ipinagkanulo nila ako nang walang anu-ano’y isang nag-aapoy na init ang bumitbit sa aking kahinaan upang makasalamuha ang alapaap, samantalang ikaw naman ay naabisuhan ng aking mga bituing panandaliang nagningning dahil sa kanilang mga abo. 

Mayroon pa kayang espasyo, isang piraso ng alapaap na hindi pa nalalamuyot ng iyong liwanag?  Marahil kung mayroon, mabilis na iikli ang pagitan natin, at ang iyong nagniningning na bituin ay maaari ko nang tabihan.

Bahay Kubo

‘Di Na Rin Magtatagal

Ngiti mo’y huwag tatakpan, ‘di na rin magtatagal;
Gabi na’y papalitan, ‘di ka na magpapagal.

Ang pag-ibig ay tamis, sa kaniyang may biyaya;
Kung ito’y iyong nais, nasa ‘yong pagpapasya.

Kuyumin ang minuto, ngunit huwag kang aasa
Na merong matitira, pagkatapos ng dusa.

Hawiin ang ‘yong lambong, tukuyin ang siyang tapat.
Kinisin ang ‘yong tanong, kupkupin lang ang sapat.

Sandali lang ang buhay, ‘wag ka nang magkamali
Na pumili ng patay, na walang pagkandili.

Nasa ‘yong pagpapasya, ang buhos ng biyaya—
Konti pang pagpapagal, dunong at pagdarasal!

Ruth Mostrales
June 15, 2009

After the flood – INQUIRER.net, Philippine News for Filipinos

sa ating tagpuan

kung sa tagpuan natin ay dumating
ang ulan, huwag ka sanang magpasyang
lumipat ng upuan.

Para sa ‘yo…

Madalas ka yatang napaparito nitong nakaraang mga araw. Ikinatutuwa ko ang lagi mong pagdalaw.

Sana maibigan mo ang mga mababasa mo rito, pero sana huwag mong isipin na ginawa ko sila para sa iyo.

Hanggang sa muli.

masarap mabuhay

Pagkabuhay Matapos Humandusay

Pagkabuhay Matapos Humandusay

Namatay ako sa kakahimlay,
pagka’t ang mga mata’y binalot ng tamlay.
Gabi nang mangako silang bituin,
wala nang dilim sa kanilang pagdating.

Sa oras na haliparot, ako’y nag-abang, ngunit
‘Di man lang siya nagsabi nang siya ay tumanang
dala ang tuwang aking pinanghawakan, at
bitbit ang pag-asang pinakaaasam.

Namatay ako ‘sang muli, kaagad,
sa paghihintay at alibadbad.
Diyos ko, mabubuhay pa kaya sa wakas at
gigising pa kaya pagkabukas?

Sabi nila’y ang kulisap na may gintong pakpak
ay hahalik lang sa tinatanging bulaklak.
Sabi nila’y bitawa’t buhayin ang bigong butil at saka
Ibulid sa tabi ng pilapil!

Maging ang bukas daw ay naghihintay rin
Sa tiklop ni dilim na umiiling.
Sino raw ako upang hamakin ang
karunungan ng oras at bituin?

Sabi ng lupa: ang bawat bagay ay hahandusay,
upang umusbong ang bukas at buhay.
Sabi ng puno: ang pagkalustay ng lupang katawan,
ang hudyat ng bagong kaarawan!

Kaya’t magmamatyag akong muli, palagi,
sa Kaniyang pangako at kandili,
Ako’y sisigaw, tatawa at iiyak at
baka sakaling madiligan ang aking pitak.

Ruth Mostrales
11 May 2009

Nakikiraan Lang

Nakikiraan Lang

 

Una, nakakita ako ng mga batang

pakalat-kalat sa daan habang

tangan-tangan tig-iisang supot ng kalangitan. 

Kaysa langhapin ang hanging

nakaririmarim, pinili nilang sa solvent na lang

magpaalipin.

 

 

Nakikiraan lang, mga bata, at

nanonood na rin sa

pakikipaglaro niyo

sa alapaap.

 

Pangalawa’y namasdan ko ang mga

babaeng hindi makagulapay

sa sapot na matibay.

Sa saliw ng laman, hindi nila iniinda ang  

Mga latay sa kalamnang matagal nang pinatay.

 

Nakikiraan lang po, mga binibini, at

nanonood na rin sa

pagkendeng ninyo paalis sa biyaya.

 

Pangatlo, nadaanan ko ang mga makukupal na

Namamayagpag sa pedestal. 

Sila’y mababango, bagong plantsa ang damit at

‘di gaya ng baliw sa kantong nabubuhay sa basura —

Pakaway-kaway na lang, at kung sinipag,

kakamay sila na parang buwang.

Diyos ko po! Bakit ba

Siya pa ang niluklok ko!

 

Nakikiraan lang po, ginoo, at

nanonood na rin sa

kapalaluan

mo.

 

Pang-apat, nakakita ako ng istatwang gumagalaw na may

dalang panulat sa kamay at mapagpaimbabaw;

kung makadaan, akala mo maalam.  Lagi siyang

nagmamatyag, wala namang

hakbang.

 

Paraanin po ang nakikiraan lang.

Hayaan ninyong lamuyutin ng kaniyang mga uyayi

ang inyong mga mata. 

 

-ruth mostrales

august 2009

 
Page copy protected against web site content infringement by Copyscape