Pansit sa Birthday ni Mister

Noong ako’y bata pa, kinagigiliwan ko ang mga pagdiriwang ng mga kaarawan ng mga mahal ko sa buhay. Tuwang-tuwa ako at mga kapatid ko dahil palaging may pansit na handa si Mama. Paborito ko ang pansit noon at ngayon, kaya naman nang magpahiwatig ang aking asawa na ayaw niyang magpansit ngayong taon ay nalungkot ako.

Pansit ang nakasanayan namin sa bahay dahil bukod sa masarap, ay kumpleto na ito. Mabigat din ito sa tiyan (lalo na kung naparami ka ng kain), at napakasarap nito kapag isinabay sa mga lutuing sariling atin.

Adobo, menudo, pritong isda, at kanin, at pagkatapos sa pangalawang kuha ay pansit at puto o kutsinta o kakanin. Haay, nakakaaliw tayong mga Pilipino. Patong-patong ang ating carbohydrates sa tuwing tayo’y may handaan. Napapalaban tayo lalo na kung may masayang kakwentuhan.

Noon, sa mga nakaaangat sa buhay, maaaring may lechon sa kanilang mga handaan. Hindi namin nakagawian ang lechong manok o baboy tuwing may salu-salo, ngunit nitong huli, dahil sa pag-usbong ng mga tindahan na nagbebenta ng lechon manok ay naging karaniwan na itong handa at masaya namang pinagsasaluhan ng lahat.

Anupaman ang mangyari, ang mga pagtitipon sa amin ay hindi kumpleto kung walang pansit ni Delia, ang pinakamasarap na pansit sa buong mundo. Kahit nakapikit ay maihahanda ito ni Mama. At dahil siyam kaming magkakapatid, maraming beses din kaming nakakakain ng espesyal na pansit tuwing kaarawan ng isang kapamilya. Sa isang linggo din ay may isa o dalawang beses kaming magpapansit. Suma total, sa isang taon, ay makakaubos ang aming pamilya ng bande-bandehadong pansit!

Simple lang ang pansit ni Mama kung wala namang may birthday. Minsan wala itong karne, pero masarap pa rin, basta may patis. Kung mayroon namang mahalagang okasyon tulad ng birthday, mas marami itong karne kaysa sa karaniwan. Mas makulay din ito. May Baguio beans, carrots, repolyo, bell pepper, sayote, celery, at leeks.

At kapag tumutulong naman kami sa kusina ay dapat maingat kami sa paghihiwa ng mga sangkap. Ayaw ni Mama ng kung paa-paano na lang na hiwa. Dapat maninipis ang hiwa sa mga gulay, at parepareho ang haba. Ilang beses rin akong napalayas sa kusina dahil hindi ko sineseryoso ang pagtulong.

Sa ngayon, bilang ina, nakatulong sa akin ang pamamalagi sa kusina upang tumulong sa aking ina. Marami akong natutunan dahil sa paghihigpit ni Mama. Sineseryoso ni Mama ang pagpapakain ng maayos sa pamilya. Gusto niya malinis ang kusina. Gusto rin niya na nasa tamang oras ang pagkain.

Nakakamiss kasama sa kusina si Mama. Paminsan-minsan, pag kami ay dumadalaw sa bahay ay nakakatikim pa rin kami ng mga masasarap niyang lutuin. Hanggang ngayon ay mahilig pa rin siyang magluto. At hanggang ngayon, dama pa rin namin ang kaniyang pagmamahal.


Nitong huli, tila ba napalitan na sa trono ang pansit sa panlasa ng mga Pinoy. Kadalasan kasi ang nakikita ko na ay spaghetti, hindi na pansit.

Pero kung ako ang papipiliin, mas gusto ko ang pansit. Marahil dahil naiugnay ko ito sa mga masasayang sandali ng aking buhay kaya ganoon. Maaari din na nagustuhan ko ito dahil simple ito at kumpleto na. May gulay, karne o hipon, at maaari pang lagyan ng pusit. Sa palagay ko, ang pansit na may pusit ang pinakaespesyal sa lahat dahil may kakaiba itong lasa na patok sa ating mga Pilipino na mahilig sa patis/umami flavor. 😀

Itong taon, nagpahiwatig man ang aking asawa na hindi niya gusto ang pansit, ako ay gagawa pa rin dahil marami akong masasayang alaala na nais gunitain at nais kong maging bahagi siya doon. Sasarapan ko para sa mga susunod na selebrasyon ay siya na mismo ang magsasabing gusto niya ng pansit.

9 thoughts on “Pansit sa Birthday ni Mister

    • Yes, ganoon nga nga ang nangyari. Sa gabi humabol yung pansit. 🙂 Di ko talaga pinalampas ang araw, pinaglaban ko pa rin ang pansit! 🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s