Mantsa

Konti na lang...

Naatupag kong kiskisin nang taimtim ang mantsa ng tinta na aksidenteng natapon ng kapatid ko sa sahig ng aking espasyo sa opisina. Lumuhod ako at tangan ang tabo at cleanser, pati ang eskoba, pinagtiyagaan kong tanggalin ang pangit na markang iniwan ng itim na tinta ng printer. Kahoy ang sahig, at sa mga pagitan ng parquet nagsumiksik ang tinta. Noong Disyembre pa niya natapon ang tinta doon habang siya’y nagre-refill ng cartridge. Maingat naman si Margie, pero may mga bagay na hindi talaga inaasahang mangyari.

Hapo ang aking braso dulot ng paulit-ulit na pagi-iskrab, pero matapos ang ilang minutong parusa, may mga natira pa ring bahid na para bang nanikit na’t ayaw nang maalis. Buntong hininga.

Naalala ko tuloy ang isang pangyayari dalawang taon na ang nakakaraan. Ilang mga malapit sa amin ang nanakit sa aking pamilya sa pamamagitan ng paninira. Naging mahirap tanggapin ang kanilang ginawa sa amin, at habang kinikiskis ko ang iskoba at pilit na inaalis ang mantsa, napagtanto kong hanggang ngayon, tila ‘di pa ako nakakalimot. Bumabalik pa rin ang sakit ng kalooban na para bang sariwa pa ang mga hiwa ng mga pasakit na dulot ng kanilang galit sa amin. Ngunit, habang binubudburan ko ng sabon ang mantsa, naiisip ko ang kabutihan ng Diyos sa kabila ng lahat, at sumagi sa aking gunita ang Kaniyang sakripisyo sa krus ng Calvario upang mapatawad tayo sa ating kasalanan — sino ako upang hindi magpatawad, naisip ko nang may bahid na kahihiyan sa aking asal. Ako ba’y naglilinis ng mantsa habang ikinikubli ang sariling kahinaan? Sino ako upang magmalinis sa harapan ng Panginoon? Wala akong maipagmamalaki maliban ang kaniyang kagandahang loob…  Kung paanong namantsahan ako ng Kaniyang dugo at pinatawad sa aking mga kasalanan, gayon din dapat ako sa iba… Hmmm… 

Samantala, ilang buwan na rin ang nakararaan, naisipan ni Papa na simulan ang pagtulong sa kanila. At maging si Mama na mas lubos na nasaktan ay pumayag rin.  (Hindi pa nga pala sila humihingi ng tawad.)  Hindi ko ito naintindihan noong una!  Ang sagot ko lang ay isang katanungan: “Bakit?”  Aaminin ko, sumasagi pa rin sa isipan ko ito: “O, tignan mo, tayo rin lang naman ang kanilang tatakbuhan,” bagamat alam kong mali iyon, at hindi pa rin maalis sa imahinasyon ko na maaring magawa nila uli sa amin ang dati na nilang nagawa.

Patuloy akong nananalangin na maghilom ang mga sugat na dulot ng mga ‘di pagkakaunawaan. Sana’y magsimula sa akin upang matahimik na rin ako.

Nga pala, mas maayos nang tignan ang sahig, pero uulitin ko ang pagkukuskos kasi may natira pa.  Si Margie kasi, eh.  (*wink)

2 thoughts on “Mantsa

  1. Patuloy akong nananalangin na maghilom ang mga sugat na dulot ng mga ‘di pagkakaunawaan.

    Nawa’y dinggin ng Diyos ang iyong mga panalangin upang tuluyan nang maaalis ang mantsa na nasa puso mo ngayon…

  2. Helo po, Mang Doroastig!

    Natutuwa po ako sa inyong komento. Salamat po sa magandang panalangin! Sana’y tuluyan nang manaig ang pag-ibig sa aking puso.

    Salamat po sa inyong pagdaan! 🙂

Leave a reply to Ruth Cancel reply