Ang Pag-ibig ay Paninging Matalim
Kung ang pag-ibig ay nakalaan
sa hanging laging nakayakap,
o sa araw na may pagtingin,
o sa ulang may paglingap…
ano nga ba ang nasa pag-ibig
na dapat ikagalak!
kung sa kaibig-ibig lamang
ang buhay niya’y ilalagak?
Kailanman, ang pag-ibig ay hindi
naging tiyak, at kailanma’y hindi
pa rin ito naging payak… subalit
sa takot, ito’y handang maging
tapat, at sa kaniyang walang
karikta’y nangako ng kabiyak.
Kung ang pag-ibig naman ay mayroong
paningin, iisipin niyang ito’y
walang halaga sa puso ng dilim;
ang pag-ibig ay mata na walang
kasing talim, at nakikita nito
lahat ng ikinukubling lihim.
Mag-iwan ng Puna