Tala
Kaibigang Tala*
(*Hindi Tunay na Pangalan)
Tala, may naiwan kang
bag, ng alaala, libro, at kanta.
Hindi ko binuksan, hindi ko
sinilip, ni hindi ko nilipat
kung saan mo huling isinilid.
Bakit hindi ka bumalik?
Nag-ring na ang bell.
Kain muna tayo, tara.
Wala pa rin bang tulay mula
sa bayan at sa bundok na
matarik? Nasaan ka na?
Hindi ko alam kung ika’y
lumisan na. Wala kang
address na sana man
lamang ay ipinagkatiwala.
Wala kang patak
ng luhang sa halaman
sana’y idinilig upang
ako’y liliman, habang
ako’y nag-iisip, hapo,
at takot habang binubuklat
ang diyaryo’t baka isang
araw, mabasa ko ang
pangalan mo na sa akin
ay ‘di pa rin nagbabago.
Tala, ika’y may dinala
sa paglisan mong walang
pasabi. Kailan ka babalik
at nang ang bag mo’y
mabuksan natin, at mag-aral
tayong muli… bago ka
pumanhik? Kailan ka
babalik sa silid-aralang
may dingding at pisara?
Kailan ka bababa mula
sa pinili mong langit?
- Nasaan ka na, Tala?*